Ang Latigo Para Kay Hesus ✍️
Ang American film na "The Passion of the Christ" noong 2004 ay nagpapakita ng pagdurusa na tiniis ni Hesus sa kamay ng mga Romanong Sundalo. Ang pelikulang ito ay naging kontrobersyal dahil inilarawan nito ang kalagayan ni Hesus na karumaldumal at marahas. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang mga pinsalang natanggap ni Hesus sa pelikula ay sobrang labis to the maximum level (grabe ang redundancy sa words upang ipahayag ang pagka-disgusto ng mga tao sa pelikula, na hindi daw makatao yung pagsasalarawan nang pagpapahirap kay Kristo na animo'y di kayang makita ng mga tao si Hesus na naliligo sa sarili nitong dugo, dahilan para sabihin ng marami na ang pelikula daw ay "0A" o overacting.
Nais kong ibahagi ang ilang impormasyon tungkol sa mga paghihirap ni Hesus na aking natuklasan sa True-Life Retreat na dinaluhan ko noong Oktubre 2017. At bilang pinagdiriwang natin ang Kuwaresma, nawa mabigyan ko kayo ng isang sulyap sa pagdurusang naranasan ni Hesus sa kamay ng malulupit na mga tao.
FLAGELLUM / FLAGRUM
Ang instrumento na ginamit kay Hesus ay tinatawag sa Latin na "Flagellum o Flagrum". Ito ay isang latigo na hindi pangkaraniwan o hindi ordinaryo lamang dahil ito ay nahahati sa tatlong tali (made of leather) na ang bawat dulo ay may nakakabit na bagay na tinatawag na "thongs". Ang thongs na ito ay isang piraso ng metal(lead) na matalas at may kawit. Base sa Shroud of Turin, ang dulo ng latigong ginamit kay Hesus ay may dumbbell-shaped plumbatae o yung kung tawagin ay war dart ng mga Romano.
Ang latigong ito ay dinisenyo upang pahirapan ang isang nadakip na kriminal, at hindi lamang simpleng sugat ang dala ng paghagupit ng latigong ito kundi matinding "laceration" o upang sadyang malaslas ang katawan ng hahampasin. Dagdag pa, ang gumagawa ng paglalatigo ay hindi lamang basta isang sundalong Romano, sila ay mga eksperto sa paghagupit ng latigo na sinanay sa kalupitan, sa kawalan ng awa, at mga walang puso. Dalawang sundalo na halinhinan sa paglalatigo ang nagsasagawa nito. Hangad ng mga "scourger/flogger" na patamaan ang lahat ng parte ng katawan ng biktima mula balikat hanggang balakang.
Sa simula ng paglalatigo, si Hesus ay itinali sa mababang haligi sa posisyong nakabalukot(arc-like position) dahilan upang mas higit Nyang maramdaman ang masakit na hampas at matatalas na tusok ng mga metal sa kanyang likuran sa bawat hagupit na Kanyang natatanggap. Gayundin, ang arkong posisyon ni Hesus ay sinadya upang hindi Sya makapag-iba ng posisyon kahit pa mangalumpihit na Sya sa sakit ay mapanatiling nakalitaw pa rin ang Kanyang likod at maipagpapatuloy ang paghampas sa Kanya.
Dapat din natin na malaman, ang mosyon ng paghampas ng latigo kay Kristo ay hindi lamang isang direktang pag-angat o pagtaas ng kamay ng mga sundalo. Sila ay bumubwelo pa muna ng kanilang mga kamay mula sa likuran patungo sa hahampasing biktima(arc-like motion). Ito ay upang bigay todong lakas ang maibigay nila sa paghampas at ang matalim na dulo ng metal ng flagrum ay tunay na babaon sa kaibuturan ng katawan ni Kristo. Sa bawat hampas ng latigo ay tiyak itong kumakapit sa katawan ni Hesus sabay biglang babawiin o hihilain ito ng sundalo dahilan upang ang balat ni Kristo ay magkalasoglasog na parang nakalaylay na himulmol ng damit o karne ng baboy. At sa mga sumunod pang walang habas na paghagupit ng latigo ay wala na ang outer layer ng balat ni Hesus, halos nakalabas na ang kanyang mga buto. Ganyan katindi! Ganyan kalupit!
At dahil sa mga eksperto manlalatigo ang gumagawa ng pagpalo ay nababatid nila ang bahagi ng katawan na labis na mahina at madaling masaktan. Sa kasamaang palad, maging ang balikat, leeg, braso at hita ni Kristo ay pinatamaan na ng latigo, dahilan upang magmukha nang karne ang katawan ni Hesus. Ito ang tinatawag na "the scourging of Jesus at the Pillar."
Sa mga malalim na sugat na tinamo ni Hesus sa paglalatigo at sa patuloy na pagtagas ng Kanyang dugo, hindi mailalarawang sakit na pisikal (idagdag pa ang ispiritwal na pagdadalamhati) ang Kanyang nararamdaman na talaga namang nakapanghihina at nalalapit na sa Kanyang kamatayan. Ito rin ang dahilan kung kaya't hirap na si Hesus sa buhatin pa ang krus (ngunit kinaya pa rin Nyang gawin para sayo at sa akin.) Karamihan sa mga nilatigo ay hindi na nakakaabot pa sa "crucifixion" dahil nangangamatay na sila sa parteng ito pa lang ng "scourging" dala ng matinding sakit at hirap sa paghampas sa kanila.
Sa lahat ng ito, ating parangalan ang ating kamangha-manghang Diyos na bagamat nalalaman Nya na mangyayari ito sa Kanya ay hindi Nya ginawang umatras o talikuran ang plano ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Sa halip ay nagpatuloy Sya sa pagsasakripisyo ng Kanyang sarili sa krus para lamang sa ating kapakanan, dinala Nya ang ating mga kasalanan at binayaran Nya ang kaparusahan na sa atin nararapat...Papuri at parangal kay Hesus na ating Panginoon, Tagapagligtas, at Manunubos.
https://youtu.be/zWDkGVNyjU4?si=RnDdy-sbINh8pz96
Related Post:
http://mangliasal.blogspot.com/2024/03/the-flagrumflagellation-of-jesus.html
Ctto: Images/Pics
Comments
Post a Comment